“TAYO”

Tayo. Ang salitang ito ang tanging nag uugnay sa akin at sa iyo.
Tayo. Ito yung tawag natin sa namagitan sa atin noong mga panahong mahal mo pa ako at mahal pa kita.
Yung mga panahong mahal na mahal pa natin ang isat isa.

Apat na letra ang meron ang salitang ito. “Ta” “A” “Ya” at “O”.
Ang apat na letrang ito ang magpapaliwanag ng nararamdaman ko tungkol sa katotohanang minsan sa buhay ko ay naging “tayo”.

TA. Tapos na.
Tapos na ang anumang nag uugnay sa ating dalawa.
Tapos na ang mga panahong minahal natin ang isa’t isa.
Tapos na ang masasayang sandali na pinaranas mo sa akin kung paano ba ang maging masaya.
Tapos na kung kaya’t ang tanging naiwan na lamang ay ang mga alala dahil sa ‘A’.

Ako. Ako ang dahilan kung bakit nawala ang “tayo”.
Ako na naduwag kumapit sa pagmamahal na sinasabi mo.
Ako na nagpadala sa bugso ng damdamin ko kung kaya’t tinapos ko na ang salitang “tayo”.
Ako, na nilamon ng inggit at kaba sa mga iniisip ko na maaaring mangyari sa ating dalawa kung kaya’t “Ya”.

Yayakapin ko ang katotohanang hindi na nga maibabalik pa ang dating “tayo” noon.
Na sana’y sa huling pagkakataon ay mayakap kita at masabi ang mga katagang “salamat dahil minahal mo ang isang katulad ko.”
Yayakapin kita.
Yayakapin kita ng sobrang higpit hanggang sa makalimutan ko ang sakit na ito at hanggang sa mawala ang panghihinayang na bumabalot sa puso ko.

O. Oras na.
Oras na para palayain kita.
Oras na para kalimutan at tanggapin na ang minsa’y naging “tayo” ay wala na at ang natitira na lamang ay ang “ako”.
“Ako” na nagmamahal pa rin sayo habang ang “ikaw” na may bago nang “siya”.
Siya na mahal na mahal ka at “siya” na bumuo ng bagong “kayo”.

Marahil, magsisi man ako o matapos man ang tulang ito..
Alam ko, hinding hindi ko na maibabalik ang salitang “tayo”.
Ngunit sa sandaling matapos ko ang tulang ito’y tatanggapin ko na.
Tatanggapin ko na na masaya ka na sa piling ng iba.
Na hanggang alaala na lang ang salitang “tayo” at habang buhay kong aalalahanin na ang salitang “tayo” ay naging minsang “ikaw” at “ako”.

Leave a comment